Ipinagbawal na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbebenta ng vapor o heated cigarettes sa mga indibidwal na nasa 21-anyos pababa.
Ayon kay BIR Commissioner Caesar Dulay, ang sinumang establisimyento na lalabag ay ipasasara habang ang may-ari ay maaaring makulong ng hanggang apat na taon.
Maliban dito, kalakip din nito ang multang P100,000.
Ang naturang circular ay mula sa joint memorandum agreement ng Department of Finance, Department of Health, Department of Budget and Management, Philippine Health Insurance Corporation, at BIR.
Ang heated cigarettes ay ang electronic nicotine o non-nicotine delivery systems ng liquid solution o gel.
Kaugnay nito, inoobliga rin ng memorandum ang mga importers, manufacturers at distributors ng naturang mga item na ipresinta sa BIR ang eksaktong replica ng container o wrapper ng kanilang mga produkto na may nakalagay na graphic health warning.
Hindi rin pahihintulutan ang mga manufacturers at distributors na magdagdag ng flavor sa produkto, maliban sa natural na lasa ng tabako.
Nakasaad din sa regulasyon na kung banyaga ang lumabag, kaagad itong ipade-deport pagkatapos nitong masilbihan ang kanyang sentensya.