Pinawi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang pangamba ng mga consumers na magkakaroon ng taas presyo sa mga subscriptions, ngayong ganap ng batas ang Value Added tax on Digital Services na pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong araw.
Ayon kay Lumagui kung magkakaroon man ng taas presyo sa mga subscriptions ay hindi naman ito masyadong mataas sa kabila ng walang kakayahan ang BIR na magtakda ng price ceiling sa increase.
Sinabi ni Lumagui ang mga digital providers ang magtatakda kung magpapatupad ang mga ito ng pagtaas sa kanilang subscription fees.
Nasa 12% Vat ang ipapataw ng gobyerno sa mga foreign digital service transactions na layong dagdagan ang kita ng gobyerno para pondohan ang mga pangunahing proyekto ng bansa.
Paliwanag ni Lumagui ang nasabing batas ay magpapalawak sa authority ng BIR na kumulekta ng buwis para sa gobyerno.
Tinatayang nasa P100 billion ang revenues na kikitain ng pamahalaan mula 2025 hanggang 2029.
Siniguro ni Lumagui na suportado ng kanilang ahensiya ang nasabing batas.
Nilinaw din ng BIR Commissioner na hindi dinagdagan ang buwis ng mga ordinaryong Pilipino kundi pinagtibay at pinalawak lamang ang lakas ng ahensiya ang pagbubuwis lalo na sa mga kumpaniyang nakikinabang sa consumption sa bawat Pilipino.