Kinumpiska ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ilang mga iligal na vape products na kanilang nadatnan sa sinalakay na Philippine Vape Festival 2024.
Ang naturang festival ay isinagawa mula Aug 17 hanggang 18.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., may mga vape products na ginamit sa naturang summit na lumalabag sa patakarang sinusunod ng pamahalaan, lalo na sa polisiya sa pagbubuwis sa mga naturang produkto.
Marami sa mga nakumpiska aniya ay walang Internal Revenue stamp.
Ito ay sa kabila aniya ng dati nang pagbibigay-babala ng naturang ahensiya sa mga negosyanteng nasa ilalim ng vape industry.
Nakasama naman ng BIR ang Illicit Trade Task Force (ITTF) na una nitong binuo upang tumutok sa mga iligal na ibinebentang produkto sa bansa.
Muli namang nagbabala si Lumagui Jr. na hindi titigil ang BIR para habulin ang mga illegal vape manufacturer o retailer na patuloy na lumalabag sa revenue code ng bansa.