Target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakulekta ng hanggang P343.1 billion na excise tax mula sa iba’t-ibang mga produkto sa susunod na taon.
Ito ay 9.6% na mas mahigit kumpara sa target collection ngayong taon na P313.08 billion.
Pinakamalaki ang posibleng makukulekta mula sa mga tobacco products na inaasahang papalo sa P148.93billion. Ito ay katumbas ng 43.4% ng naka-programang excise tax collection ng BIR sa susunod na taon.
Ang halos P149 billion ay mas mataas ng 5.08% kumpara sa excise tax mula sa tabako ngayong taon na aabot lamang sa P141.73 billion.
Sunod sa tobacco products ay ang mga alcohol products kung saan inaasahang makakakulekta ng hanggang P130.04 billion. Ang excise tax mula sa alcohol ay katumbas ng 37.9% ng kabuuang excise collection sa susunod na taon.
Ang iba pang mga produkto na nakikitaan ng mataas na excise tax sa susunod na taon ay ang mga sweetened beverage at junk food na may P39.28 billion mining na inaasahang magbibigay ng hanggang P12.84 billion, at ang industriya ng sasakyan na may P6.5 billion.
Ang excise tax ay isa sa mga may malaking kontribusyon para maabot ang target collection ng BIR.
Sa susunod na taon, ang naturang ahensiya ay inaasahang makakakulekta ng kabuuang P3.23 trillion.