Hindi umano dapat seryosohin ang mga binibitawang biro ng Pangulong Rodrigo Duterte lalo na ang sinabi nitong gumamit siya ng marijuana.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Benigno Durana, walang pangangailangan na magkomento ang PNP ukol sa isyu dahil biro lamang ito.
Sinabi ni Durana dapat masanay na ang publiko sa mga ganitong biro ng Pangulo.
Sa kabila ng mga batikos na inabot ng pahayag na ito ng Pangulo, nanindigan si Durana na hindi matitinag ang PNP sa kanilang kampaniya kontra iligal na droga.
Magugunitang umani ng kaliwa’t kanang batikos ang biro ng Pangulo nang sabihin nito na gumagamit siya ng Marijuana para maka-kuha ng ibayong lakas sa harap ng sunud-sunod na mga aktibidad na kaniyang dapat daluhan.
Payo naman ng PNP sa publiko lalo na sa mga kabataan na iwasang gumamit ng iligal na droga at o halamang ipinagbabawal ng batas gaya ng marijuana.