-- Advertisements --

Ipapakansela ng Office of the Solicitor General ang birth certificate ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa isyu ng kanyang tunay na nasyonalidad.

Si Guo ay pinaghihinalaang Chinese national matapos na magtugma ang kanyang fingerprint sa isang chinese passport holder na nagngangalang Guo Hua Ping.

Kinumpirma ito ng National Bureau of Investigation matapos ang kanilang ginawang masusing beripikasyon.

Ayon kay  Solicitor General Menardo Guevarra ang ihahain nilang petisyon para makansela ang birth certificate ng alkalde ay dahil na rin sa kabiguan nito na sundin ang mga legal requirements para sa paghahain ng late registration of birth.

Aniya, sa sandaling makansela ang birth certificate ay Guo, tuluyan na itong matatanggal sa  pagka alkalde ng Bamban at pagbabawalan na itong humawak ng anumang pampublikong tungkulin.

Una nang kinumpirma ng Philippine Statistics Authority  na maraming irregularities sa birth certificate ng suspendidong alkalde ,

Inihahanda na rin ng Commission on Elections ang hiwalay na  election offense case laban kay Guo.

Si Guo ay kasalukuyang nahaharap sa reklamong human trafficking sa DOJ dahil sa umanoy pagkakasangkot nito sa ilegal na aktibidad ng isang Philippine Offshore Gaming Operations hub sa kanyang bayan.

Sa kabila nito ay patuloy na iginigiit ni Guo na siya ay hindi Chinese spy kundi isang tunay na Pilipino.

Aniya, wala siyang kinalaman sa mga isyu at alegasyon na ibinabato laban sa kanya.