LAOAG CITY – Nagviral sa social media ang naganap na birthday party sa isang barangay sa bayan ng Bacarra, Ilocos Norte sa kabila ng mga ipinapatupad na health protocols at biglaang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sa impormasyong ipinaalam sa Bombo Radyo Laoag, umanoy nagsimula ang party sa 6:00 ng gabi at natapos ito sa 10:30 ng gabi noong Nobyembre 17.
Napanood din sa video ang nagaganap na sayawan, kantahan at may live band na umanoy hindi na nasunod ang social distancing.
Dahil dito, humingi ng dispensa si Barangay Chairman Julis Ramones sa isinagawang party para sa kaarawan ng kanyang anak at isinabay ang isang selebrasyon para sa kapatid ng kanyang asawa.
Sa panayam naman kay Mayor Fritzie dela Cruz Gapazin ng nasabing bayan, sinabi nito na hindi nagkulang sa pagpapaalala sa mga kasapi ng Barangay Health Emergency Response Team ang mahigpit na pagpapatupad sa health protocol.
Aniya, dalawang oras lamang ang ibinigay niyang operasyon ng live band at limitado sa 100 katao ang pwedeng dumalo sa party ngunit umanoy hindi ito nasunod.
Sa ngayon ay wala pang natatanggap na pormal na reklamo ang alkalde upang isagawa na ang imbestigasyon.
Inamin naman ng kapitan ang kaniyang pagkakamali.
Sa Ilocos Norte ay maraming mga violators ang nahuli at nagbayad ng multa dahil sa paglabag sa mga health protocols.
Maliban dito ay naitala ang biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 dito sa lalawigan kung saan umaabot na sa 188 ang kaso, 55 active cases, 131 recoveries at dalawa ang namatay.