Inilunsad ng University of Oxford ang isang pag-aaral na susuri sa bisa ng kanilang gawang bakuna kasama ng AstraZeneca Plc sa mga kabataan sa unang pagkakataon.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamantasan na tutukuyin sa panibagong mid-stage trial kung epektibo ang bakuna sa mga nasa edad anim hanggang 17.
Ayon pa sa Oxford, nasa 300 volunteers ang kukunin at inaasahan na ngayong buwan din mangyayari ang unang batch ng inoculation.
Ang mga volunteers na naninirahan malapit sa apat na study sites – University of Oxford; St George’s University Hospital, London; University Hospital Southampton; at Bristol Royal Hospital for Children – ay hinihikayat na magparehistro.
Sasagot naman sa maikling questionnaire ang mga interesadong makilahok sa pag-aaral.
Target ng AstraZeneca na makagawa ng 3-bilyong doses ngayong taon at mahigit 200-milyong doses kada buwan pagsapit ng Abril. (Reuters/ BBC)