Hindi umano mawawala ang bisa ng mga bakuna sa kabila ng mga nagsulputang bagong variants ng COVID-19.
Ito naman ang tiniyak ni Food and Drug Administration (FDA) director-general Eric Domingo sa gitna na rin ng pangamba sa nakakahawang Delta COVID variant.
Ayon kay Usec Domingo, mahalaga umano na magpabakuna ang mga mamamayan kahit magkakaiba ang lebel ng efficacy ng mga vaccine brands.
Inihalimbawa ng opisyal ang Pfizer na merong 93% efficacy rate laban sa Alpha variant na unang na-detect sa United Kingdom.
Kung laban naman sa Delta strain na unang lumutang sa India, meron naman daw 88% na epektibo ang Pfizer.
Ang AstraZeneca naman ay 66% ang efficacy rate laban sa Alpha variant at 60% kontra sa Delta mutation.
Nilinaw naman ni Domingo na ang iba pang mga drugmakers na kinabibilangan ng Moderna, Sinovac, Sinopharm at Johnson and Johnson ay nagsasagawa pa ng efficacy trials laban sa Delta variant.
Inamin din ni Usec Domingo na bagamat merong pababa ang efficacy rate ng mga vaccines kung parami ng parami ang mga mutations ng COVID-18, hindi naman nawawala ang bisa ng bakuna.