Pinaikli na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang bisa ng employment permits na inisyu para sa mga empleyadong dayuhan at Pilipino sa POGOs sector hanggang sa Disyembre 31, 2024 na lamang.
Ito ay matapos aprubahan ng Board of Directors ng PAGCOR ang mga pagbabago sa bisa ng worker permits ng POGO o ang offshore gaming employment license (OGEL).
Para sa mga Pilipinong may offshore gaming employment license, ang original validity ay 3 taon mula ng iisyu subalit ito ay magiging valid na lamang hanggang sa katapusan ng taon.
Habang para sa mga dayuhan naman, in-adjust na rin hanggang sa Disyembre 31 na lamang ang validity ng kanilang OGEL o hanggang sa kung kailan na lamang ang bisa ng kanilang work visa o work permit o alinman ang mas mauna.
Matatandaan na binigyan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PAGCOR ng hanggang sa katapusan ng taon para i-wind down at ipatigil ang mga operasyon ng lahat ng POGOs sa bansa matapos na tuluyan na itong ipagbawal dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa mga ilegal na operasyon.
Samantala, sinimulan na rin ng Bureau of Immigration ang pag-downgrade sa working visa ng mga empleyado ng POGO sa tourist visa.