Bise alkalde, kabilang sa 70 blood donors sa Dugong Bombo sa Negros Occidental
BACOLOD CITY – Kabilang ang bise alkalde ng Cauayan, Negros Occidental sa kabuuang 70 na mga successful blood donors kasabay ng Dugong Bombo sa dalawang LGU dito sa lalawigan.
Kanina, 50 ang successful blood donors sa Barangay Caliling, Cauayan habang 20 naman sa Himamaylan City Health Office kahapon.
Isa sa mga nagdonate ng dugo sa Cauayan ay si Vice Mayor Analiza Jing Soriano at ito ang pinakaunang pagkakataon na siya ay nagdonate ng dugo.
Ayon kay Soriano, blessing in disguise ang kanyang pagpunta sa Barangay Caliling dahil natupad ang kanyang pangarap na makapag-donate.
Aniya, matagal na niyang gustong magdonate ngunit hindi ito qualified dahil sa pagpuyat sa panonood ng Korean damas.
Ngunit dahil nagkataong sapat ang kanyang tulog kagabi kaya’t siya ay naqualify kanina.
Nagpasalamat naman ang donor recruitment officer ng PRC-Negros Occidental na si Eloisa Marie Liza sa maraming blood donors na katumbas ng one percent ng total population ng barangay.
Ikinatuwa rin ni Punong Barangay Josel Popioco ng Barangay Caliling ang pagpili ng Bombo Radyo, Philippine Red Cross at Cauayan Municipal Health Office sa kanilang barangay upang maging venue ng Dugong Bombo.