BUTUAN CITY – Nilinaw ni Bislig City, Surigao del Sur Mayor Librado Navarro, na wala pa siyang natanggap na kopya ng suspension order mula sa 2nd Division ng Sandiganbayan.
Sa naturang kautusan nakasaad ang kanyang preventive suspension na 90 araw na nag-ugat sa kasong graft may kaugnayan sa maanomalyang pag-purchase ng isang hydraulic excavator noong 2012 na nagkakahalaga ng P14.75 million.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Mayor Navarro na rerespetuhin niya ang desisyon sakaling mapasa-kamay na niya ito ngunit iaapela niya ito.
Tanggap din niya ang hakbang ng anti-graft court kung saan ibibigay pa sa kanya ang tatlong buwang sahod pagkatapos ng suspensyon.
Maliban dito’y pinapa-dismiss din ng Sandiganbayan sina Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Charlito Lerog na ngayo’y siyang city administrator; mga BAC members na sina City Treasurer Roberto Viduya, City Planning Development Coordinator Aprodecio Alba Jr., General Services Officer Felipe Sabaldan Jr., City Budget Officer-in-Charge (OIC) Belma Lomantas, OIC-City Engineer Lorna Salgado, at City Legal Officer Daisy Ronquillo.
Una nang nadismis sina Technical Working Group members City Accountant Raquel Bautista, Gilbert Abugan, Laila Manlucob, at Estefa Mata.
Maliban sa dismissal ay pinapatawan din sila ng accessory penalties sa kanselasyon ng kanilang eligibility, forfeiture ng kanilang retirement benefits, at perpetual disqualification para sa kanilang re-employment sa government service.
Ang limang pahinang resolusyon ay nilagdaan ni Chairperson Oscar Herrera Jr. kasama sa concurrence nina Associate Justice Michael Frederick Musngi at Lorifel Pahimna.