LEGAZPI CITY- Naantala ang mga pasahero at sasakyan matapos na suspendihin ang biyahe ng dalawang barko mula Pioduran port sa Albay patungong Masbate mula pa kahapon ng umaga.
Ayon kay Pio Duran MDRRMO head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mismong ang pantalan sa Masbate ang nagkansela ng biyahe ng Sta. Clara shipping lines matapos magpositibo sa isinagawang antigen test ang 15 crew nito.
Abiso ng lokal na pamahalaan ng Pio Duran sa mga nastranded na biyahero na pansamantalang dumaan sa Matnog port sa Sorsogon upang makauwi sa kanilang lalawigan.
Matatandaang mahigpit na restrictions ang ipinatutupad ngayon sa Masbate at hinihingan ng negatibong RT-PCR test ang lahat ng papasok sa island province bilang pag-iingat sa tumataas na kaso ng infection.
Hindi pa tiyak sa ngayon kung kailan muling makakabiyahe ang mga naturang barko dahil sa quarantine ang mga nagpositibong crew.
Sasailalim din ngayong araw sa confirmatory o RT-PCR test ang mga ito.
Samantala, aminado si Ordoña na nangangamba rin sila sakaling may positibong kaso sa Pilar, Sorsogon-Masbate na ruta dahil malaking abala ito sa biyahe ng mga pasahero kaya’t panawagan na makipag-ugnayan muna sa lokal na pamahalaan ng uuwiang lugar bago bumiyahe.