-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Kinansela na ng Philippine Coast Guard (PCG) Eastern Visayas ang biyahe ng lahat ng maliliit na sasakyang pandagat sa rehiyon.

Ito ay matapos ang pagpapalabas ng gale warning sa rehiyon dahil sa sama ng panahong dulot ng bagyong Ineng.

Ayon kay Ensign Melchor Diong Jr. Operation Officer han Philippine Coast Guard Eastern Visayas, kanilang kinansela ang biyahe ng lahat ng mga sasakyang pandagat na may bigat na 250 gross tonnage pababa.

Dagdag pa nito na ibinabase nila ang kanselasyon ng biyahe sa ipinapalabas na advisory ng PAGASA.

Kasama sa mga kanseladong biyahe ang mula sa Ormoc City papuntang Camotes Island, San Isidro papuntang Bohol at biyahe mula sa Hilongos, Leyte papuntang Ubay Bohol.

Samantala pinahihintulutan naman ng PCG na makabiyahe ang mga malalaking sasakyan pandagat katulad na lamang ng fast craft.

Sa ngayon ay hinihintay naman ng coastguard ang paglift ng gale warning upang mabalik na sa normal ang biyahe ng mga maliliit na sasakyang pandagat.