Inanunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) nitong Lunes na walang operasyon ng Light Rail Transit-Line 1 (LRT-1) sa tatlong piling araw ngayong Nobyembre at sa Enero 2022.
Ang pansamantalang pagsuspinde ng mga operasyon ng LRT-1 ay ipatutupad sa Nobyembre 28, 2021, sunod sa Enero 23 at 30, 2022, na pawang mga araw ng Linggo.
Layunin nito ay para bigyang-daan ang mga test run at trial run ng brand new signaling system.
Ayon kay Enrico R. Benipayo, LRMC chief operating officer, inaasahan nilang maraming kapana-panabik na developments ang nakahanay para sa LRT-1 sa 2022.
Ang paglipat sa bagong signalling system ay bilang pagtupad sa pangako ng LRMC sa paggawa ng makabagong LRT-1 at paghahatid ng mas mahusay na serbisyo sa mga kustomer.
Dahil dito, nais hilingin ng LRT management ang pang-unawa ng mga pasahero para sa pansamantalang abala na ito kasabay ng pagtiyak na kapalit nito ay ang pangmatagalan na pakinabang.
Kaugnay nito, pinayuhan ang mga commuter na sumakay muna ng ibang sasakyan sa tatlong araw na pansamantalang ihihinto ng LRT-1 ang operasyon.
Sinabi rin ng kompanya na ang pag-upgrade sa Alstom signaling system ay kinakailangan para sa paggamit ng 4th generation train sets sa kasalukuyang sistema.
Ang mga set ng tren ay nakatakdang gamitin simula sa kalagitnaan ng 2022.