LEGAZPI CITY- Balik na sa normal ang biyahe ng mga barko sa Matnog port, na pinakamalaking pantalan sa Bicol region patungo sa Visayas.
Subalit ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pisibleng abutin pa ng ilang araw bago tuluyang maubos ang mga stranded na pasahero at rolling cargoes dahil patuloy pa din nag pagdating ng mga biyahero.
Nagiging prayoridad din umano ngayon na maitawid ang mga pampasaherong bus dahil kinakapos na sa budget ang mga pasahero dahil sa pagkaka antala ng biyahe.
Sa kasalukuyan ay aabot pa aniya ng dalawa hanggang tatlong kilometro ang pila sa mga sasakyan sa labas ng pantalan dahil nadaragdagan pa rin ito ng mga bagong dating na biyahero.
Kaugnay nito, nanawagan si Galindes sa publiko na magbaon ng mahaba-habang pasensya dahil siguradong atrasado pa rin ang kanilang biyahe.
Samantala, siniguro ng opisyal na sisikapin ng Philippine Ports Authority, Philippine Coast Guard at iba pang tanggapan ng pamahalaan na mapabilis at maging maayos ang daloy ng biyahe sa Matnog port.