NAGA CITY – Balik pasada na ang byahe ng mga bus mula sa Naga City patungo sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Kung maaalala, una nang inianunsyo na magbabalik ang biyahe ng mga bus mula sa Bicol Central Station patungo sa PITX noong Hunyo 24, 2021.
Ngunit hindi ito natuloy matapos na hindi agad nai-release ng Land Transportation and Franchising Board (LTFRB) ang QR code na kinakailangan ng mga bus upang makapagbyahe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Reforsado, operations manager ng Bicol Central Station, kinumpirma nito na magsisimula na ang mga byahe ng bus mula sa PITX terminal sa Parañaque papunta sa Bicol Central Station sa lungsod ng Naga sa Hunyo 30, 2021 habang magsisimula naman ang byahe ng mga bus mula sa lungsod ng Naga pabalik sa PITX sa Hulyo 1.
Samantala, kinakailangan naman na maipresenta ng mga pasahero ang kanilang identfication card, trip ticket, negatibong resulta ng COVID-19 test result na isinagawa 48-oras bago bumiyahe.
Ngunit, nilinaw naman nito na kung rapid antigen test lamang, kinailangan pa rin na sumailalim sa 14 day quarantine ang mga pasahero.
Dagdag pa dito, upang mapadali ang quarantine period pwede naman umanong muling magpa test matapos ang pitong araw.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Reforsado na apat na air conditioned bus units lamang ng DLTB bus company ang pinayagan ng LTFRB na makapagbyahe.
Sa ngayon, panawagan na lamang nito na sumunod pa rin sa mga ipinapatupad na mga health protocols kaugnay ng COVID-19 pandemic.