-- Advertisements --
boracay vendors PNP

KALIBO, Aklan – Magiging “sunrise to sunset” na lamang ang biyahe ng mga motorbanca patawid sa Boracay.

Ito ay alinsunod sa ipinalabas na memorandum kaugnay sa “Guidelines for the Operations of Banca’s” ng Maritime Industry Authority-Region 6.

Nakapaloob sa alituntunin na isuspinde ang lahat na operasyon ng mga motorbanca pagsapit ng gabi, maliban na lamang sa fastcraft na maaaring maglayag mula sa Tabon port papuntang Tambisaan port vice versa.

Layunin nito na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasaherong sumasakay ng motorbanca lalo na ang mga turista na nagbabakasyon sa isla.

Paalala pa nito, kailangan ang lahat ng pasahero ay nakasuot ng life jacket; nasa 75% na lamang ang authorized capacity ng motorbanca; dapat nakatupi ang mga tarpaulin na nakalagay sa gilid ng bangka; at tiyakin na ang biyahe ng mga ito ay sa gitna ng maaliwalas ang panahon.

Samantala, tiniyak naman ni LCDR. Marlowe Acevedo ng Philippine Coast Guard-Aklan na agad silang tatalima sa nasabing alituntunin.

BORACAY 1
Paraw Biniray Festival in Boracay (photo from DENR)

Sa katunayan aniya ay pinulong na nito ang mga miyembro ng Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative at mga concerned agencies upang ipaalam sa kanila ang memorandum at ang agarang implementasyon nito sa Boracay.