KALIBO, Aklan – Pinalawig na ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan ang biyahe ng mga motorbanca papunta at palabas ng isla ng Boracay.
Ito ay batay sa abiso ni Aklan Governor Florencio Miraflores matapos isailalim ang lalawigan ng Aklan sa Alert Level 2.
Napagkasunduan ng PCG, lokal na pamahalaan ng Malay at Caticlan Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC), ang pagbiyahe ng mga motorbanca ay mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi mula sa dating alas-6:00 ng umaga mula alas-8:00 ng gabi.
Sa kasalukuyan, unti-unti nang nanunumbalik ang sigla ng turismo sa isla.
Nasa 181,232 na turista ang naitala sa loob ng sampung buwan simula Enero hanggang Oktubre, 2021.
Kailangan pa rin na magpakita ng negatibong RT-PCR test results ang mga turista mula sa labas ng isla ng Panay at Guimaras bilang requirement sa pagpasok sa Boracay.
Nauna dito, pinaikli na ang curfew hours sa isla mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw simula noong Oktubre 29.