BACOLOD CITY – Hindi pa rin nakabalik ang biyahe ng mga bus ng Vallacar Transit Incorporated (VTI) papuntang southern Negros Occidental at Negros Oriental matapos pinatigil umano ng magkapatid na Yanson kaninang umaga.
Dakong alas-9:00 ng umaga, pumunta sa Bacolod South Terminal ang Yanson matriarch na si Olivia Villaflores-Yanson matapos nitong nalaman na itinigil ang biyahe kung saan nakausap nito ang mga driver at konduktor.
Tiniyak naman ni Mrs. Yanson sa mga driver na magpapatuloy ang kanilang biyahe, ngunit wala itong nagawa dahil itinago umano ng ilang driver na sumusuporta kay Roy Yanson ang susi ng mga bus bago umalis sa terminal.
Nasa opisina rin ng terminal ang magkapatid na Roy na siyang elected president ng Yanson Group of Bus Companies at Ma. Celina Yanson-Lopez ngunit hindi sila pinuntahan ng kanilang ina upang kausapin.
Maya-maya pa, isang inter-office memorandum ang inilabas ng bunso na si Leo Rey Yanson, president at Chief Executive Officer ng kompaniya na nagdedeklara sa August 7 bilang paid holiday sa lahat ng mga empleyado sa VTI-Bacolod South Branch.
Ayon kay Leo Rey, “kinudeta” ng kanyang mga kapatid noong Hulyo 7 kaya ang lahat ng mga empleyado ay dapat umalis na lamang sa company premises at umuwi na lang sa kani-kanilang pamilya upang magkaroon ng quality time sa misis at mga anak.
Ang iba namang indibidwal na hindi empleyado ng kompaniya na nasa loob ng company premises ay inutusan na lumabas.
Dito rin kinumpirma ni Leo Rey na balik na sa kanilang trabaho ang AGNSA Security Agency ngayong araw, alinsunod sa utos ng Philippine National Police (PNP)-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa spokesperson nina Roy Yanson na si Atty. Julie Ann Bedrio, hindi pa masasabi kung kailan babalik ang biyahe ng Ceres buses.
Nanawagan din ang mga ito sa PNP na maging patas sa magkabilang panig.
Ito’y matapos pinigil ni Bacolod City Police Office director Col. Henry Biñas ang pagpasok ng ibang indibidwal sa terminal, kabilang na ang magdadala ng pagkain sa mga Yanson upang maiwasan ang karagdagang tensyon.
Ayon kay Biñas, lalabas na lang ang mga Yanson sa kanilang opisina kung nais nilang kumain.
Umangal din ang kampo ni Roy matapos pinutol ang power supply sa terminal at hindi pa natutukoy kung sino ang pumutol ng kuryente.
Ilan namang mga empleyado ang hinuli ng mga pulis at ikinulong makaraang manggulo sa loob ng terminal.