-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kanselado pa rin sa ngayon ang biyahe ng mga motorbanca mula Caticlan jetty port papuntang isla ng Boracay at pabalik.

Sa advisory na inilabas ni Lt. Commodore Marlowe Acevedo ng Philippine Coast Guard (PCG-Aklan), simula alas-4:00 kaninang umaga hanggang ngayon ay kanselado ang lahat ng biyahe ng mga roll-on roll-off (RoRo) vessels at motorbanca papuntang Batangas, Romblon, Mindoro at isla ng Boracay.

Ito ay matapos na isailalim ang lalawigan ng Aklan sa storm signal No. 2 dahil sa Bagyong Tisoy.

Ipinaabot rin ng pamunuan sa mga pasahero na makipag-ugnayan muna sa kanila upang malaman kung kailan magre-resume ang biyahe.

Sa kabilang dako, ibabalik anumang oras ang biyahe ng mga RoRo vessel at motorbanca kapag bumuti na ang kundisyon ng dagat at panahon.

Samantala, kagabi pa lamang ay nagpalabas na ang pamunuan ng Caticlan jetty port ukol sa masamang panahon dahilan na walang gaanong stranded na mga pasahero at turista sa nasabing pantalan.