Kinumpirma ng pamunuan ng MRT-3 na balik na sa normal ang operasyon ng mga tren matapos masunog ang isang bagon nito, bandang alas-9:12 kagabi sa may bahagi ng MRT-3 Guadalupe Station kung saan apat na pasahero ang nagtamo ng minor injuries.
Sa inilabas na pahayag ni MRT-3 Operations Director Michael Capati, lahat ng MRT-3 systems ay normal na sa ngayon at balik na rin ang kanilang regular operations batay sa mga iskedyul nito.
” All MRT3 systems are normal, we will resume regular operations today as scheduled,” mensahe ni Director Capati.
Alas-4:30 kaninang madaling araw nagsimulang bumiyahe ang mga tren.
Nasa 17 mga train ang tumatakbo mula North Avenue Station at Taft Avenue Stations.
Sa kabilang dako. iniulat naman ng MRT-3 apat na pasahero ang nasugatan, isang lalaki at tatlong babae na nagtamo ng minor bruises na agad naman inasikaso ng mga rescue personnel.
Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon at assessment hinggil sa nangyaring sunog kagabi sa isa sa mga bagon ng MRT-3.