-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Balik na sa normal ang vessel trip papunta at mula sa Caticlan jetty port simula alas-5:00, umaga ng Sabado, Disyembre 18.

Ang kumpirmasyon ni Chief Master Jackielou Ang ng Philippine Coast Guard (PCG) Aklan ay matapos na tinanggal na ang tropical cyclone wind signal sa Aklan matapos ang pananalasa ng bagyong Odette.

Ayon sa kanya, simula kaninang umaga ay nakabalik na ang mga biyahe ng Ro-Ro vessel mula sa Caticlan papuntang Batangas, Mindoro at Romblon.

Maliban dito, nagbalik-biyahe na rin ang mga unit ng Caticlan-Boracay Tranport Multi-purpose Cooperative (CBTMPC) mula sa isla ng Boracay patawid sa mainland Malay at vice versa.

Kaugnay nito, inabisuhan ng PCG-Aklan ang lahat ng mga pasahero na patuloy na sundin ang health, safety, at travel protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID 19 lalo pa at nakapasok na aniya ang Omicron variant sa bansa.

Nabatid na nauna nang sinuspinde ang sea travels sa Aklan simula noong Huwebes dahil sa bagyong Odette matapos isailalim ang Aklan sa storm signal No. 2.