Bumaba sa walong porsiyento ang budget for travels ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nasa P1.054 billion ang travel expenses ng Office of the President (OP) para sa 2025, mababa ito kumpara nuong nakaraang taon na nasa P1.148 billion allocations sa 2024 General Appropriations Act.
Bumaba ng P94 million ang travel expenses ni Pang. Marcos para sa 2025.
Sinabi ni Pangandaman ang dahilan ng pagbaba sa travel expenses ng Pangulong Marcos ay dahil nabawasan ang kaniyang biyahe domestic at maging sa international.
Kung maalala naging kontrobersiyal ang pagbiyahe ng Pangulo sa abroad dahil sa malaking pondo ang inilaan para sa kaniyang biyahe.
Depensa ng Palasyo sa naging biyahe ng Presidente ay dahil kailangang ibenta ang bansa sa mga foreign investors para mamuhunan sa Pilipinas upang makamit ang target na maging investment destination ang bansa.
Siniguro naman ni Pangandaman na hindi makaka-apekto sa economic goal ng Pilipinas ang binawasang biyahe ng Pangulo.
Binigyang-diin ng kalihim na kailangan pa rin bumiyahe sa abroad para i follow-up ang mga napirmahang kasunduan at memorandum of understanding sa mga banyagang kumpanya na may planong maglagak ng negosyo sa bansa.