Sinuspendi ang biyahe sa dagat sa probinsiya ng Quezon simula pa kahapon, araw ng Biyernes hanggang ngayong araw ng Sabado, Nobiyembre 30 dahil sa masamang kondisyon sa karagatan ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ito ay kasunod na rin ng forecast ng state weather bureau na inaasahang malakas na hangin na makakaapekto sa eastern seaboard ng Southern Luzon kabilang ang northern at eastern coast ng Pollilo islands, northern coast ng Panukulan, mga bayan sa Burdeos island, eastern coast ng Patnanungan at mga munisipalidad sa Jomalig Island.
Kabilang sa mga hindi muna pinapayagang bumiyahe ang mga sasakyang dagat na may bigat na 250 gross tonnage o naglalayag sa mga ruta sa mga nabanggit na lugar sa hilagang Quezon.
Ayon sa PCG, maaaring ipagpatuloy ang biyahe at bawiin ang suspension order sa oras na bumuti na ang lagay ng panahon.