-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Balik na sa dating sigla ang mga biyahe sa Kalibo International Airport.

Ayon kay Engr. Eusebio Monserate Jr., Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP-Aklan) head, buhos na ang mga pasahero sa naturang paliparan lalo na ang mga domestic tourist na magbabakasyon sa isla ng Boracay.

Ito ay kasunod ng muling pagbukas nito sa unang pagkakataon para sa mga turista matapos na punuan na sa Caticlan Airport.

Layunin umano nito na muling mapalakas ang industriya ng turismo lalo pa at nalalapit na ang holiday season.

Dagdag pa ni Engr. Monserate na maliban na gumagamit na nang malalaking eroplano ang mga airline companies ay tuloy-tuloy na ang kanilang recovery flights.

Muli aniyang naramdaman ang dami ng mga pasahero noong bago tumama ang pandemya na karamihan ay nagmula sa National Capital Region (NCR).

Sa kabilang daku, nilinaw nito na muling ipinagpaliban ang pagtanggap ng direct international flights dahil sa Omicron variant ng Covid 19.

Para sa mga papasok na turista, kinakailangang magsumite ng vaccination certificates o vaccination cards upang mabigyan ng QR code, habang ang mga hindi pa bakunado o naka-unang dose pa lamang ay obligadong magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test.

Nakakalat rin sa kasalukuyan ang mga guwardiya at tauhan ng paliparan upang masiguro ang seguridad at pagsunod sa health and safety protocols.