LEGAZPI CITY – Balik na sa normal ang biyahe sa mga pantalan sa rehiyong Bicol matapos ang ilang araw na pagdagsa ng mga pasahero nitong holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Coast Guard Ensign Dwan Grace Detoyato ang tagapagsalita ng Coast Guard District Bicol, wala na ngayon na pila sa mga pantalan at nakabalik na rin ang mga pasaherong nagsiuwian sa kanilang mga lalawigan noong panahon ng Pasko at Bagong taon.
Base sa tala ng ahensya, mula Disyembre 15 hanggang Enero 3, umabot sa 138,000 ang mga pasaherong bumiyahe papasok sa Bicol habang nasa 180,000 naman ang mga outbound passengers.
Ipinagpapasalamat ng ahensya na sa kabila ng naging dagsa ng mga biyahero wala naman na naiulat na hindi inaasahang insidente at naging ligtas ang biyahe ng mga barko.
Samantala, kahit na natapos na ang holiday season tiniyak ng Philippine Coast Guard na mananatiling nakabantay ang kanilang mga tauhan sa mga pantalan at nakahandang rumesponde kung kinakailangan.