BACOLOD CITY – Kaagad umanong bibili ng bahay ang 83-anyos na biyuda sa lungsod ng Bacolod makaraang matanggap ang P1 million na grand prize sa grand draw ng One Two Panalo Part 19 Promo ng Bombo Radyo at Star FM.
Kasabay ng awarding sa studio ng Bombo Radyo kanina, emosyunal si Nanay Alicia Caba ng Purok Magbinuligay, Barangay Bata, Bacolod City kasabay ng pagtanggap ng cheke ng P1 milyong premyo.
Walang mapagsidlan ng saya si Caba kasama ang kanyang mga anak at apo na nag-claim ng premyo.
Aniya, “answered prayer” ang kanyang pagkapanalo ng P1 million dahil sira-sira ang kanilang bahay at tumutulo ang bubong nito sa tuwing umuulan.
Ngayong natanggap na nito ang P1 million, kaagad itong bibili ng bahay at lupa upang hindi na raw mamomroblema sa tuwing uulan.
Maliban dito, bibili rin si Nanay Alicia ng maintenance ng gamot sa iniindang diabetes at asthma.
Si Nanay Alicia ay nabiyuda noong taong 1981 at may lima siyang mga anak.
Aniya, wala itong mapagsisidlan ng saya dahil siya ang pinakamaswerte sa lahat ng mga entry senders sa nakaraang promo kaya’t kanyang inimbita ang mga tagapakinig na magpadala ng entries sa mga promo ng Bombo Radyo upang magkaroon din ng tsansa na manalo.