Dismayado ang biyuda ng napatay na Gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo sa kamakailang desisyon ng Timor-Leste court na tumanggi sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na i-repatriate ang expelled Representative na si Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na itinuturong utak ng krimen sa pagpatay kay Degamo.
Sa isang pahayag na ipinost nito sa kaniyang social media noong Biyernes, inilarawan ni Mayor Janice Degamo ng Pamplona, Negros Oriental, ang desisyon bilang ”kakaiba at mahirap maintindihan.” Binanggit din niya ang posibilidad na ang hukuman ng Timor-Leste ay maaaring naapektohan ng kapangyarihan at koneksyon.
‘Dili nato malikayan nga makahunahuna nga ang korte sa Timor Leste makamang sad diay. (Hindi natin maiwasang isipin na maaaring naabot din ng ilang tao ang korte sa Timor Leste),’ sabi ni Janice, ngunit hindi siya nagbanggit ng mga pangalan.
Una nang inanunsyo ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na tinanggihan ang kahilingan ng Pilipinas para sa extradition ni Teves.
Ayon kasi sa saligang-batas ng Constitution ng Democratic Republic of Timor-Leste, ipinagbabawal ang extradition kung may ”malinaw na panganib o pag-torture, inhuman, o malupit na pagtrato.”
Agad din itong ikinagulat ng Department of Justice (DOJ) at binanggit na si Teves ay nahaharap sa mga seryosong kaso, kabilang ang mga paratang na maraming pagpatay, at kailangan siyang ibalik sa Pilipinas upang humarap sa batas.
Gayunpaman, umaasa naman si Janice Degamo na maibabalik si Teves sa bansa.
Samantala, nakatakda itong makipagkita kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa susunod na linggo upang pag-usapan ang mga kamakailang kaganapan at ang mga plano ng gobyerno ukol sa isyu ng extradition ni Teves.