-- Advertisements --
ILOILO CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa sabay-sabay na pagpositibo sa COVID-19 ng mga preso at personnel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Male Dormitory sa Ungka, Jaro, Iloilo City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na may isang preso umano mula sa Iloilo District Jail sa Pototan, Iloilo ang dinala sa hospital sa lungsod ng Iloilo matapos sumama ang pakiramdam.
Nang nakalabas ng hospital, pansamantala munang namalagi ang preso sa BJMP-Ungka ngunit makalipas ang ilang araw, binawian ito ng buhay.
Kaagad namang isinailalim sa RT-PCR test ang mga nasa loob ng kulungan at sa huli, nagpositibo sa COVID-19 ang 38 preso at 2 personnel.