ILOILO CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa nangyaring pananakit umano ng isang kontrobersyal na negosyante sa isang collector habang naka-hospital arrest.
Ang biktima ay kinilalang si Ruth Gabion ng Brgy. Tanza Bonifacio, Iloilo City at collector umano ng suspek na si Vicente “Itik” Espinosa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jail Insp. Henry Harder, hepe ng Operations Division ng BJMP-6, sinabi nito na ayon sa report, narinig ng mga jail guard ng Iloilo District Jail na may umiiyak sa loob ng hospital room at tila ba humihingi ng tulong.
Ayon kay Harder, mayroong pananagutan ang mga jail guard kung mapapatunayan na hindi nila tinulungan ang biktima at sa halip, pinagsabihan lamang nila ang collector na huwag gumawa ng ingay upang hindi maistorbo ang ibang pasyente.
Inihayag ni Harder na kaagad na ipapalabas ang resulta ng imbestigasyon at sa ngayon, ang doktor lamang ni Espinosa ang makakapagsabi kung maaari ng dalhin sa jail facility ang negosyante.
Napag-alaman na noong Agosto 10, inaresto ang negosyante dahil sa pagpatay kay dating Ajuy, Iloilo Vice Mayor Ramon Rojas at kaagad na isinugod sa hospital matapos sumama ang pakiramdam.
Noong buwan ng Oktubre, nahuli ang mga tauhan ng negosyante na nagpupuslit ng beer sa loob ng hospital sa pamamagitan ng pagtago nito sa supot ng junk foods.