CENTRAL MINDANAO-Masayang tinanggap ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP Kidapawan ang isang brand new Singer sewing machine mula sa City Government of Kidapawan.
Ginanap ang turn over sa Mega Tent ng City sa pangunguna ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo M. Evangelista at ng mga representante ng BJMP Kidapawan sa katauhan nina JOI Amphy Chin B. Namuag at JO1 Otao.
Nagkakahalaga ng mahigit P30,000 ang naturang sewing machine na ayon sa BJMP Kidapawan ay magagamit ng mga inmates o mga Persons Deprived of Liberty o PDL sa kanilang livelihood project.
Ikinatuwa din ng BJMP ang pagkakaroon nito ng bagong sewing machine dahil malaki ang magagawa nito para sa mga PDL upang magkaroon sila ng pagkakataon na mapaghandaan ang kanilang kinabukasan sa kabila ng kanilang pagkakapiit o pagkakakulong.
Kaugnay nito, muli ay pinasalamatan ng BJMP ang City Government of Kidapawan partikular na si Mayor Joseph A. Evangelista sa walang sawang pagtulong sa BJMP lalo na sa mga proyektong nakalaan para sa mga paglinang ng kakayahan ng PDL tulad ng pagtahi, craft and décor making, at iba pa.
Sinabi naman ni Atty. Evangelista na patuloy lang ang City Legal Office o CLO sa pagtulong sa BJMP lalo na para sa kapakanan at Karapatan ng mga PDL. “Maliban sa kaakibat na parusa, mahalagang mapagtuunan ng pansin ang pagbabago o reformation ng mga PDL kung kaya’t kailangang tulungan ang mga ito ng sa ganon ay maging produktibo uli silang mga indibidwal sa oras ng kanilang paglaya”, ayon pa kay Atty Evangelista.