ROXAS CITY – Naka-locked down ngayon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Roxas City male dormitory matapos nagpositibo sa COVID-19 ang pitong katao sa nasabing facilidad.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Roxas ni Jail Senior Inspector Dever Fantilaga, jail warden ng BJMP-Roxas City.
Kabilang sa mga nagpositibo sa covid19 virus ang apat na mga BJMP personnel at tatlong mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Pinasiguro naman ng opisyal na manageable na sa ngayon ang sitwasyon sa facilidad, kung saan pinadala na sa Ligtas Covid Center sa bayan ng Dumalag, Capiz ang tatlong PDL’s habang nasa quarantine facility sa Hortus Botanicus sa Barangay Milibili, ang apat na mga BJMP personnel.
Bilang bahagi ng health protocol at para hindi na kumalat pa ang covid19 ay pansamantalang sinuspende ang ilang mga aktibidad kabilang na ang pagdalaw sa mga PDL’s ng kanilang mga pamilya.
Samantala hindi naniniwala si Fantilaga na sa mga personnel ng BJMP nanggaling ang virus dahil mahigpit ang ipinatutupad na health protocol sa kanilang hanay simula noong ma-locked down ang Roxas City.