Siniguro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pag-protekta sa kapakanan ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa gitna ng tumataas na heat index.
Sa isang pahayag, sinabi ni BJMP chief Jail Director Ruel Rivera na prayoridad ng kawanihan ang pagpapanitiling maayos ang operasyon ng mga jail facilities sa kabila ng mataas na temperatura at mahabang tag-init.
Kasabay nito ay ipinag-utos na rin ng BJMP Chief ang istriktong pagsasagawa ng mga heat mitigation measure upang mabantayan ang kalusugan ng mga PDL, lalo na sa National Capital Region (NCR) kung saan mataas ang congestion rate.
Naiintindihan aniya ng BJMP ang pangangailangang makapagsagawa ng mga proactive intervention para maiwasan at mapigilan ang mga heat-related illnesses at mapanatili ang kapakanan ng mga preso.
Ipinag-utos na rin ni Gen. Rivera ang 24/7 na monitoring ng mga jail nurse at mga health personnel sa mga kulungan upang kaagad na makatugon sa mga medical emergencies.
Samantala, bilang paghahanda sa posibilidad ng pagtaas ng kaso ng mga summer-related illnesses, dati na ting iniatasan ni Rivera ang pagbili ng akmang mga gamot.
Pinapatiyak din ng heneral na maayos at gumagana ang mga ventilation shaft, exhaust fan, atbpang kagamitan upang maging maayos ang pagdaloy ng hangin sa loob ng kulungan.