Tiniyak ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)
ang kanilang suporta sa Philippine National Police (PNP) sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon kay BJMP Spokesperson, JCInsp Xavier Solda, buo ang kanilang suporta sa pambansang pulisya.
Sinabi ni Solda na patuloy na magsasagawa ang BJMP ng paglilinis sa kanilang mga pasilidad sa pakikipagtulungan sa PNP at PDEA.
Pinalawak pa ng BJMP, PNP at PDEA ang kanilang pagtutulungan para labanan ang problema sa iligal na droga.
Una rito, pina-iimbestigahan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang naging pag-amin ng dalawang naarestong drug suspek sa Cebu City tungkol sa kanilang pakikipagtransaksyon sa mga bilanggo.
Kinilala ng mga awtoridad ang dalawang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations noong Lunes na sina Benjie Lupian,42-anyos at Bryan Osabel, 35-anyos.
Ayon sa mga pulis, naaresto si Lupian sa Barangay Duljio Fatiba matapos masabat sa kaniya ang may 1,040 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon habang naaresto naman si Osabel matapos masabat sa aniya ang may 501 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P3 milyon.
Inamin ng dalawang naaresto na nakikipag-transaksyon sila sa mga bilanggo ng Cebu City Jail.
Ayon kay Eleazar, hindi ito ang unang pagkakataon na may naarestong drug suspek na nakikipagtransaksyon sa mga nakabilanggo.
Inihalimbawa nito ang mga convicted drug traffickers sa New Bilibid Prisons na kanilang nabistong nagpapatakbo pa rin ng kalakalan ng iligal na droga noong siya pa ang Regional Director ng National Capital Region Police Office.