-- Advertisements --

Umapela ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa mga local government units nationwide na bigyan din ng prayoridad at isama sa kanilang vaccine allocation ang mga Persons Deprived with Liberty (PDL).

Ayon kay BJMP spokesperson J/CInsp. Xavier Solda, bagamat ongoing ang kanilang vaccination program hindi lamang sa kanilang mga personnel maging sa mga PDL ay hindi ito sapat dahil nakadepende ito sa supply na ibinibigay sa kanila ng Department of Health (DOH).

Sinabi ni Solda, batay sa kanilang datos nasa 10 percent pa lamang sa kabuuang PDL population ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine.

As of August 30, 2021 sa kabuuang 121,895 jail population nasa 27,319 na mga PDL ang nabakunahan kung saan 9.14% ang fully vaccinated.

Kaya panawagan ng BJMP sa mga LGUs na isama na ang mga PDLs sa kanilang nagpapatuloy na vaccination program.

Giit ni Solda malaki ang role ng mga LGUs sa pag-inoculate sa lahat ng mga PDL.

Nais man ng BJMP na mabakunahan ang lahat ng mga PDL sa lalong madaling panahon ay hindi ito kakayanin dahil limitado ang kanilang vaccine supply.

Ang mga PDLs ay binakunahan ng Sinovac, AstraZeneca, Pfizer,Sputnik, Moderna at Johnson and Johnson vaccines.

Sa panig naman ng BJMP personnel nasa 11,907 na ang fully vaccinated o nasa 69.84%.

Ang BJMP naman ay nakapagtala ng 4,235 COVID-19 cases sa mga PDLs kung saan 99 dito ay active cases; 4,026 ang naka rekober at 41 ang nasawi.

“So kung yung ating mga LGUs ay hindi makakalimutan yung kanilang mga constituencies na nasa loob ng mga district,city and municipal jails natin malaking bagay yun para sa BJMP,” pahayag ni Solda.