PARIS – Nauwi sa karahasan ang dapat sana’y mapayapang climate march sa Paris, France matapos makibahagi ang mga “black bloc” protesters na nakipaggirian pa sa mga pulis.
Dahil dito, napilitan ang mga organizers ng kilos protesta na himukin ang mga demonstrador na umuwi na at umalis na sa event.
Ayon sa mga otoridad, matapos magmartsa sa hiwalay na yellow vest protest, nasa 1,000 radikal na mga ralyista ang pumasok sa martsa kontra climate change kung saan 150 ang nadakip.
Dalawang gusali ang nasira dahil sa banggaan ng magkabilang panig, kasama na ang mga motor scooters, mga bintana, at iba pang pag-aari.
Nagtayo rin ng ilang mga makeshift roadblocks ang ilang mga aktibista, na kalaunan ay kanilang sinunog.
Nasa 7,500 pulis ang ipinakalat para sa dalawang hiwalay na demonstrasyon.
Batay sa Occurence consultancy, nasa 15,200 ang nakibahagi sa climate march, habang ayon naman sa mga organizers ay umabot daw ang kanilang bilang sa 50,000. (AFP)