-- Advertisements --

Nahanap na ng mga miyembro ng binuong search team ang black box ng Azerbaijan Airlines flight J2-8243, ang passenger plane na bumagsak sa syudad ng Aktau sa Kazakhstan.

Ang black box ay isang plane device na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa flight, airspeed, altitude, oras ng biyhae, at iba pang mahahalagang impormasyon ukol sa biyahe ng mga eroplano.

Ayon kay Kazakhstan Deputy Prime Minister Kanat Bozumbayev, isang komisyon na ang binuo upang pangunahan ang imbestigasyon sa plane crash. Pangunahing susuriin ng mga ito ang natunton na black box, kasama na ang iba pang naipong piraso ng ebidensiya.

Tutulong din ang naturang komisyon sa pamilya ng mga nasawing pasahero, kasama na ang mga nakaligtas.

Ayon pa kay Bozumbayev, nakahanda ang naturang komisyon at ang pamahalaan ng Kazakhstan sa makipagtulungan sa mga Azerbaijan authorities na inaasahan ding magsasagawa ng sariling pagsisiyasat sa insidente.

Sa kasalukuyan, nakuha na ang lahat ng mga labi mula crash site.

Batay sa opisyal na datus ng Kazakhstan, 29 na katao ang kumpirmadong nakaligtas, dalawa rito ay mga bata.

Umabot naman sa 38 katao ang kumpirmadong nasawi.