Ipinadala na ng Iran sa France ang black box ng Ukrainian passenger plane na aksidenteng pinabagsak sa Tehran nitong unang bahagi ng taon.
Ayon kay Iranian Deputy Foreign Minister Mohsen Baharvand, nitong Biyernes nang dinala sa Paris ang mga black box, na nakatakda namang basahin sa Lunes.
Nitong nakalipas na linggo nang ilabas na rin ng Civil Aviation Organization of Iran (CAOI) ang report tungkol sa inilunsad nilang imbestigasyon sa insidente.
Sa naturang ulat, “human error” at poor military communication ang nakita nilang sanhi sa pagpapabagsak sa eroplano.
Sa kabila nito, sinabi ng Foreign Ministry ng Ukraine na masyado pa raw maaga para ilabas ng Iran ang nasabing mga pahayag.
Iginiit din nito na dapat ay hintayin muna ang magiging resulta ng gagawing international investigation.
Matatandaang noong Enero nang mamatay ang lahat ng 176 kataong sakay ng Flight PS752 matapos tirahin ng dalawang missile ang aircraft ilang saglit matapos ang take-off.
Una nang itinanggi ng Iran na sila ang responsable sa insidente, na nangyari kasabay din ng lumalalang tensyon sa pagitan nila ng Estados Undios.
Ngunit matapos ang apat na araw, inako nila ang responsibilidad sa nangyari.
Sinabi ng Tehran, napagkamalan nila ang eroplano bilang isang cruise missile. (BBC)