Bagong panimula para sa daan-daang myembro ng kapulisan mula sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos ang kanilang ginawang pakikiisa sa mas lalo pang gumugulong kilos-protesta sa bansa.
Imbes kasi na tumulong ang mga ito sa pag-aresto sa mga raliyista ay mas pinili nilang sumali sa ipinaglalaban ng mga ito.
Tulad na lamang sa New Jersey na isa sa mga syudad na may pinakamataas na crime rate sa buong Amerika. Kapit-bisig ang mga otoridad at mamamayan ng Camden, New Jersey habang isinasagawa ang payapang protesta.
Ito’y bilang pagpapatuloy ng nasimulang hakbang ng mga kapulisan upang muling magtiwala sa kanila ang mga residente.
Nang mabatid daw kasi ng mga pulis na magkakaroon ng demonstrasyon sa kanilang mga lugar ay naisipan ng mga ito na suportahan ang mga raliyista sa kanilang paniniwala.
Nauwi sa bayolenteng kilos-protesta ang ginawa ng mga tao sa Amerika dahil sa pagkamatay ni George Floyd, isang Black-American, kung saan kaagad din namang rumesponde ang mga otoridad.
Sa ngayon, 40 siyudad na ang nagpatupad ng curfew bilang tugon sa mas lumalalang kilos protesta. Nasa 5,000 myembro naman ng National Guard ang pinadala sa 15 estado kasama ang Washington, D.C habang 2,000 naman ang naka-standby na kung sakaling kailanganin ng back-up.