-- Advertisements --

Binigyang diin ngayon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang kahalagahan ng Black Saturday para sa lahat.

Sa kanyang Holy Week reflections na “The Word Exposed” na inilathala ng Jesuit Communications (JesCom), sinabi ng kanyang kabunyian na ito ang araw ng pagluluksa at panahon ng pananahimik.

Hinimok niya ang lahat na pakinggan ang tibok ng ating puso at magsagawa ng seryosong pagninilay.

Sinabi ni Cardinal Tagle na kung maaari ay masagawa ng seryosong “soul searching” kung bakit pinatay si Hesus alang-alang para sa sangkatauhan.

Ilang katanungan din ang ibinahagi ng isa sa lider ng Simbahan sa Pilipinas.

Tulad na lamang kung “nabayaran na ba ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan?”

Aniya, kung tutukuyin kung “sino kaya ang “guilty” at meron bang maliligtas sa lahat ng tao?”

“Sino raw ang kayang makaputol sa pagmamahal ng Diyos sa lahat?”

Samantala sa nakalipas na tatlong araw ay idinaan ni Cardinal Tagle ang kanyang maikling “reflections” sa pamamagitan ng popolar na social media na YouTube.

Nitong nakalipas na Biyernes Santos, ipinahayag din ni Tagle na ang Good Friday ay ipinamalas ang “dark side” o madilim na bahagi ng sangkatauhan.

Inihanay pa nito na ang “dark side” ng sangkatauhan ay siyang nagtutulak sa atin sa kasamaan, ang pagpatay maging sa mga inosente.

Pero ayon kay Cardinal Tagle, ang Good Friday din ay selebrasyon ng kadakilaan ng sangkatauhan na ipinakita ni Hesukristo.

Ipinaubaya umano ni Hesus ang kanyang sarili sa isang marahas na kamatayan para sa katuparan ng dakilang misyong mailigtas ang sangkatauhan.