Pinahiya ng Dallas Mavericks sa teritoryo mismo ang karibal na New York Knicks matapos na walisin sa iskor na 99-86.
Binitbit ni Luka Doncic ang Mavs sa pamamagitan ng kanyang 26 points para sa kanilang ika-26 na panalo ngayong season at ikatlong sunod din na panalo.
Sa init ng kamay ng Mavs, si Doncic ay isa lamang sa limang players na nagtapos sa double-figures para sa Dallas.
Ang iba pang teammates ay kinabibilangan nina Jalen Brunson na may 15 points, Kristaps Porzingis at Tim Hardaway Jr., na nagpakita ng 14 puntos kontra sa dati nilang team.
Para sa bigman na si Porzingis ang matinding depensa raw ang magpalo sa kanila laban sa Knicks.
Nalasap naman ng Knicks (24-25) ng ikatlong sunod na talo.
Sa ibang games, nagpakitang gilas ang NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo gamit ang 47 points at 12 rebounds upang tuldukan ng Milwaukee Bucks ang four-game winning streak ng Portland Trail Blazers, 127-109.
Ang score ni Antetokounmpo na 47 points ay napantayan ang kanyang season high.
Sumuporta naman si Jrue Holiday na nagpakawala ng 22 points at 10 assists para iposte ng Bucks ang 31-17 kartada.
Hindi naman umubra ang isa sa best scorer ng liga na si Damian Lillard na nagbigay ng 32 points para sa Blazers.
Batay sa match-up ng magkaribal na team, ito na ang ika-anim na sunod na panalo ng Bucks sa Blazers.
Sa kabilang dako, bumandera si Kyle Kuzma sa panalo ng Los Angeles Lakers laban sa Sacramento Kings, 115-94.
Gamit ang 10 puntos sa fourth quarter mula sa season-high na 30 points, dinala ni Kuzma ang defending champion sa kanilang ika-31-18 na win-loss record.
Bumawi ang Lakers mula sa kanilang masaklap na pagkatalo sa Bucks nitong nakalipas na araw kung saan umabot sa 15 points ang kalamangan.
Sa pagkakataong ito kumayod din ng husto si Dennis Schroder na nagbuslo ng 17 points at eight assists, habang si Kentavious Caldwell-Pope ay sumuporta sa kanyang 13 points at 10 rebounds at si Markieff Morris ay kumamada ng 14 points at eight rebounds.
Sa ngayon kulang pa rin ang kanilang superstars sa line-up kung saan nagpapagaling pa sa injuries sina LeBron James, Anthony Davis at ang bagong nakuha na center na si Andre Drummond.
Sa kampo ng Kings nasayang ang diskarte ni Harrison Barnes na may 26 points, five rebounds at five assists.
Samantala, muling nagtala ng franchise record ang league leading na Utah Jazz nang kanilang itala ang ika-21 panalo sa home games laban sa Chicago Bulls, 113-106.
Nanguna muli sa sa opensa ng Jazz si Donovan Mitchell na may 26 points na sinuportahan ni Rudy Gobert na may 19 points at 13 rebounds.
Hindi rin naman nagpahuli mula sa bench si Jordan Clarkson na nag-ambag ng 19 points kasama na ang tatlong 3-point shots.
Ito na ang ika-74 na games na palaging merong isa o higit pa na puntos sa 3-point area ang Filipino American player.
Malaking tulong din naman ang ginawa ni Bojan Bogdanovic na nagpakita ng 18 points at season-high na eight rebounds para sa kanilang 37-11 record.
Sa Bulls naman, ito na ang ika-anim na sunod nilang talo para masadlak sa record na 19-28.
Angat naman si Thaddeus Young sa Bulls na may 25 points, Zach LaVine na nagdagdag ng 23 at si Nikola Vucevic ay may 16 points at eight rebounds.