Agad isasalang sa pagsusuri ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang flight recorder o blackbox ng bumagsak na medical evacuation plane sa Calamba, Laguna nitong Linggo.
Nitong araw nang ma-rekober ng mga imbestigador mula sa CAAP ang naturang communication system na makakatulong sa paglutas ng insidente.
Inilabas na ng ahensya ang listahan ng siyam na pasahero ng bumagsak na Beechcraft King Air 350, na may registry number na RP-C2296. Sugatan naman ang dalawang caretaker ng binagsakang resort.
Sa inisyal na imbestigasyon, natukoy na pag-aari ng Indonesia-based na Lion Air ang 16-seater plane. Pero miyembro ng Air Ambulance Philippines ang medical team na lulan nito.
Ayon sa CAAP, walong pangalan lang ang nakalista sa isinumiteng flight plan noon.
Pabalik na sana ng Maynila ang medical team matapos sunduin sa Dipolog City ang New Zealander patient nitong gagamutin.
Pero pasado alas-3:00 ng hapon kahapon nang magpagewang-gewang sa himpapawid ng Brgy. Pansol ang eroplano at bagsakan ang magkatabing resort.
Sa Facebook post ng isa sa mga namatay na nurse na si Yamato Togawa, nakita pa ang mga huling larawan ng buong team bago bumiyahe pabalik ng Maynila.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Calamba PNP director police Col. Jacinto Malinao na nahirapan ang mga otoridad sa ginawang retrievel ng mga bangkay dahil sa pagiging sensitibo ng bumagsak at nasunod na eroplano.
Bukas naman daw ang Lion Air na makipagtulungan sa imbestigasyon at sagutin ang lamay at libing ng mga nasawi.