-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration (BI) detention facility ang isang Indian national makaraang inaresto ng mga otoridad dahil sa iligal na pagtatrabaho sa Boracay.

Kinilala ni BI Intelligence Division acting chief Fortunato Manahan Jr., ang dayuhan na si Vincent Joseph Mondal, 42, at nagtatrabaho bilang chief cook sa isang kilalang restaurant sa nasabing isla.

Si Mondal aniya ay iligal na pumasok sa bansa sa pamamagitan ng tinatawag na backdoor channel matapos na hindi siya dumaan sa inspeksyon ng mga tauhan ng BI.

Nang mahuli ito ay walang anumang pasaporte o maski dokumentong nagpapatunay sa kanyang sarili na ligal ang pagpasok sa Pilipinas hanggang sa nakarating sa Boracay maliban na lamang sa kanyang Identification Card.

Nasa immigration blacklist din umano ang banyaga dahil sa overstaying.