Nakatikim na ng panalo sa unang pagkakataon ang Blackwater Elite makaraang ilista ang 107-98 pagpapahiya sa NorthPort sa bakbakan nitong Sabado ng gabi sa 2019 PBA Governors Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kamuntikan nang magtala ng pambihirang quadruple-double si Marqus Blakely na tumipa ng 13 points, 14 rebounds, walong blocks, at pitong assists upang buhatin ang Blackwater.
Nagtapos naman ang rookie na si Ray Parks sa kanyang team-high na 21 points, at ang bagong saltang si Carl Bryan Cruz na humugot ng 16.
“This is the old Blackwater na naka-spread yung scoring namin, not only one guy scoring in double digits,” wika ni coach Aris Dimaunahan.
“Hopefully, we could again build on it and get another win on our next game.”
Agad na nag-init si Parks kung saan umiskor ito ng 11 sa unang period para makontrol ng Elite ang sagupaan.
Hindi rin nagpaawat si Cruz sa second quarter na bumuslo rin ng 11 upang ibigay ang 51-41 abante ng koponan pagsapit ng break.
Matapos nito ay napanatili ng Blackwater ang kanilang abanse kung saan tinambakan pa nila sa 94-76 ang NorthPort sa final canto.
Sa panig ng Batang Pier, umakay sa kanila ang import na si Mychal Ammons na tumabo ng 29 markers at 19 boards.
Lumagapak din ang NorthPort sa kanilang ikatlong sunod na pagkabigo sa 1-3 kartada.