-- Advertisements --
maliksi
Photo courtesy of PBA

Nakabawi na ang Blackwater mula sa una nilang kabiguan matapos nilang itumba ang Rain or Shine, 98-92, sa PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center.

Pinamunuan ni Allein Maliksi ang balanseng atake ng Blackwater makaraang magsalpak ito ng 19 points.

Umalalay din sina Bobby Ray Parks Jr. at Mike Digregorio na kapwa pumoste ng tig-16 points, maging sina import Alex Stepheson 13, at Roi Sumang 11.

“Tonight, they really played well as a team. ‘Yung gusto naming mangyari, nangyari. They played great defense tonight. We allowed Rain or Shine to score 92 points. Sa mga nauna naming games, we are allowing more than a hundred. Congratulations to all our players,” wika ni Blackwater interim coach Aris Dimaunahan.

Nitong Biyernes nang mamantsahan ang malinis na 3-0 record ng Elite matapos silang magapi ng Phoenix, 98-103.

Ito naman ang ikalawang dikit na kabiguan ng Rain or Shine, buhat sa 84-91 pagyuko sa Meralco.

Humarurot ang Blackwater sa huling bahagi ng third quarter matapos nilang ihulog ang 17-1 bomba para tangayin ang 76-58 lead, na siyang pinakamalaking agwat sa laro.

Makailang beses na ipinilit ng Elasto Painters na makalapit sa huling yugto, ngunit hindi nawalan ng tugon ang Elite.

Nanguna sa panig ng Rain or Shine si Denzel Bowles na pumoste ng 27 points at anim na rebounds, na dinagdagan naman ni James Yap ng 15 markers, walong boards at anim na assists.

Narito ang mga iskor:

Blackwater 98 – Maliksi 19, DiGregorio 16, Parks 16, Stepheson 13, Sumang 11, Belo 7, Tratter 4, Banal 3, Al-Hussaini 3, Alolino 2, Sena 2, Desiderio 2, Cortez 0.

Rain or Shine 92 – Bowles 27, Yap 15, Daquioag 10, Borboran 10, Rosales 8, Norwood 7, Torres 5, Belga 5, Mocon 4, Nambatac 1, Ponferada 0.

Quarters: 24-17; 50-40; 76-60; 98-92.