Tumipa ng 33 points si CJ McCollum, na dinagdagan ni Damian Lillard ng 29 upang umabante ang Portland Trail Blazers sa 2-0 abanse sa kanilang first-round playoff series kontra sa Oklahoma City Thunder, 114-94.
Hindi rin nagpaawat si Maurice Harkless na humagod ng 14 points at siyam na rebounds para sa third-seeded na Blazers, na sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 2014 playoffs ay binuksan ang playoff series na may dalawang panalo.
Tutungo naman ang serye sa Oklahoma City para sa Game 3 sa araw ng Sabado.
Nagtapos namang may 14 points, siyam na rebounds at 11 assists si Russell Westbrook para sa Thunder.
Kumubra ng 27 points si Paul George sa kabila ng mga agam-agam hinggil sa kanyang kanang balikat, na nakabalot ng kinesiology tape.
Abante ng 91-75 ang Blazers matapos ang tatlong quarters at napangalagaan ang kanilang lamang sa fourth.