-- Advertisements --

Tumipa ng 32 points si Damian Lillard, kabilang na ang 17 sa third quarter, upang iligtas ang Portland Trail Blazers sa eliminasyon at itala ang 119-108 paglusot sa Denver Nuggets sa Game 6 ng kanilang Western Conference semifinal series.

Umalalay si CJ McCollum na kumamada ng 30 points para sa Blazers, na hindi pa nakakalasap ng conference finals buhat noong 2000 playoffs.

Mula rin sa bench ay bumuslo ng career playoff-high na 25 points si Rodney Hood para makatulong sa Portland, na pinuwersa rin sa Game 7 ang kanilang serye ng Nuggets.

Sumandal naman ang Denver kina Nikola Jokic na humugot ng double-double na 29 points at 12 rebounds, at kay Jamal Murray na nagdagdag ng 24 markers at 10 boards.

Naipasok ni Lillard ang isang off-balance jumper upang iposte ng Blazers ang 101-88 abante sa huling 7:24.

Nakahabol pa sa 113-103 ang Nuggets sa nalalabing 1:04, ngunit na-foul out sina Jokic at Torrey Craig na sinamantala ng Portland upang selyuhan na ang kanilang panalo.

Babalik sa kanilang teritoryo ang Nuggets sa pag-asang uusad sila sa Western Conference finals sa unang pagkakataon mula noong 2009.

Ang magwawagi sa laro sa araw ng Lunes ang siyang haharap sa mananaig sa hiwalay namang serye ng Golden State Warriors at Houston Rockets.

Tangan pa ng defending champions ang 3-2 bentahe sa serye makaraang irehistro ang 104-99 panalo noong Huwebes.