Tuluyan nang inangkin ng Portland Trail Blazers ang huling upuan patungo sa NBA playoffs matapos nilang patalsikin ang Memphis Grizzlies, 126-122.
Nagsanib-puwersa para sa Blazers sina Damian Lillard na nagpakawala ng 31 points, na sinegundahan ni CJ McCollum na tumabo ng 29 points, kung saan 14 rito ay kanyang ibinuhos sa fourth quarter.
Dahil sa panalo, makakatapat ng Portland ang top-seeded na Los Angeles Lakers, kung saan magsisimula ang kanilang pagtutuos sa Miyerkules (Manila time).
Umalalay din para sa Blazers sina Jusuf Nurkic na may 22-point, 21-rebound performance kahit na nagluluksa sa pagpanaw ng lola na may COVID-19, at si Carmelo Anthony na nag-ambag ng 21 markers.
“What we’ve done in these two weeks is really special,” wika ni Blazers coach Terry Stotts. “I couldn’t be more proud of a group of guys because we were up against it every game, nine straight games where our season was basically in the balance. … They found a way.”
Hindi naman nagbunga ang 35 puntos ni Ja Morant sa Memphis, maging ang 22 points at 16 rebounds na ibinugos ni Jonas Valanciunas, at tig-20 nina Dillon Brooks at Brandon Clarke.
Tangan ng Grizzlies ang walong puntos na abanse sa final canto, ngunit hindi nila napigilan ang pagharurot ng Blazers.
Kumonekta ng 3-pointer at isa pang long jumper si McCollum upang siguruhing nasa poder ng Portland ang abante.
Ipinasok naman ni Anthony ang 3-pointer sa huling 20.2 seconds para matiyak na ang ikaapat na sunod na panalo ng Blazers sa loob ng bubble.