-- Advertisements --

MIAMI – Binitbit ni Damian Lillard sa pamamagitan ng kanyang season-high na 49 points kabilang na ang siyam na 3-pointers ang Portland Trail Blazers upang tulungang talunin ang Miami Heat, 115-104.

Dahil dito lumakas ang tiyansa ng Blazers na makuha ang No. 8 spot dahil sa isang game na lang ang kailangan bago abutan ang Denver.

Para naman sa Heat, nabigo itong maabot ang .500 record sa kanilang panalo sa unang pagkakataon ngayong season.

Mula sa No. 7 ay nahulog tuloy sa No. 9 ang Miami sa Eastern Conference.

Maging ang Miami head coach at Fil-Am na si Erik Spoelstra ay humanga sa ginawa ni Lillard na tinawag pa niyang “incredible performance.”

Samantala tumulong naman kay Lillard sina Jusef Nurkic na nagtapos sa 21 points at 12 rebounds at si C.J. McCollum ay nagtala ng 18 habang si Noah Vonleh ay nagdagdag ng 11 para sa Portland (32-37).

Sa Miami nasayang ang diskarte nina James Johnson na kumamada ng 24 points, si Hassan Whiteside naman ay may 17 points at 10 rebounds, at si Goran Dragic ay nagpakawala ng 17.

Ito na ang ikalawang talo ng Heat (34-36) sa huling 17 home games.